SCW Statement

December 10, 2009

 

Walang pinagkaiba sa terorismo ang matinding militarisasyong naghasik ng takot sa mga mamamayan sa Maguindanao nang mag-deploy ang gobyernong Arroyo ng 4,000 sundalo dito. Ito ay matapos pirmahan ang Proclamation 1959 na nagpapasailalim sa lalawigan ng Maguindanao sa batas militar kahit labag ito sa saligang batas. Diumano’y taktika  upang bigyang katarungan ang karumaldumal na planong pagtatakip sa pagpatay at pamamaslang ng may 57 katao na kinabibilangan ng mga empleyado ng lokal na gobyerno, sibilyan at mamahayag noong Nobyembre 23 sa bayan ng  Ampatuan, balwarte ni Gobernador Datu Andal Ampatuan, Sr. sa Mindanao.   

Hindi makakaila ang mahigpit na ugnayan ng Pangulong Gloria Arroyo sa makapangyayaring angkan ng Ampatuan sa Maguindanao na siyang nagtiyak ng malaking boto para sa administrasyon noong nakaraang halalang 2004 at 2007.

Pangangapit-tuko sa pampulitikang kapangyarihan sa Mindanao ang puno’t dulo ng pagbubuwis ng buhay ng kalaban sa pulitika ng pamilyang Ampatuan, kasama ang ilang mga taga-suporta at 27 na mamamahayag. 

Sa kabilang banda, bunga ng lumalaking diskontento ng iba’t-ibang nababahalang lokal at internasyunal na human rights group, simbahan at mamamahayag kay Pangulong Arroyo na aksyunan ang nagaganap na karahasan sa bansa, nagmistulang damage-control at paghuhugas ng kamay ang ginagawa ng gobyernong Arroyo sa pagsasailalim ng buong lalawigan ng Maguindanao sa martial law, kasabay nito ang pag-aresto sa mga pangkating Ampatuan at maraming sibilyang pawang pinaghihinalaang sangkot sa masaker. Nasamsam sa mansyon ng mga Ampatuan ang mga de kalibreng armas, libo-libong bala at mga pampasabog na buhat mismo sa arsenal ng Department of National Defense.

Animo’y lumikha ng sariling multo ang administrasyong Arroyo nang pahintulutan niyang armasan ang mga CVO, CAFGU at private armies sa ilalim ng Executive Order 546 noong 2006. Isang katotohanan na inamin ni Gen. Palparan sa mga TV at pahayagan na galing mismo sa militar ang mga nasamsam na kagamitang pandigma.

Naganap ang pang-aaresto at paghahasik ng takot sa mga mamamayang higit naapektuhan nang ibaba ang batas militar sa panahong ginugunita natin ang ika- 60 Araw ng Karapatang Pantao.

Ang mga karumaldumal na karahasang tulad nito ay lalu pang tumitindi sa papalapit na eleksyon sa 2010, ngunit hindi naiiba sa karahasang matagal ng umiiral sa bansa na bumibilang sa 1,013 na pinaslang, 202 na dinukot na hindi pa nagtatagpuan  at 186 na tinortyur na mga bilanggong pulitikal kung saan pito dito ay nasa sa timog katagalugan. Naganap ito simula ng manungkulan si Gng. Arroyo bilang pangulo noong 2001 hanggang Marso ng taong ito.  Hindi pa kasama dito ang maraming insidente ng paglabag sa karapatang pantaong talamak na nararanasan sa mga kanayunan sa kamay ng militar.  

Kami, mula sa hanay ng nagkakaisang manggagawa sa ilalim ng Solidarity of Cavite Workers ay kaisang nananawagan ng katarungan para sa mga biktima sa nangyaring masaker sa Maguindanao ganoon din sa marami pang biktima ng pasismo ng Rehimeng Arroyo. Mariing ikinukundena ng Solidarity of Cavite Workers ang karahasan at matinding paglabag sa karapatang pantao ng mga berdugong angkan at pasismo ng estado na sumasagka sa kabuhayan at kapayapaan ng mamamayan.

Katarungan para sa mga biktima ng pamamaslang!

Ibasura ang Proclamation 1959! Never Again to Martial Law!

Palayasin ang militar sa kanayunan ng Maguindanao.  

Buwagin ang CVO, CAFGU at Private Armies!

Tuldukan ang terorismo at pasismo ng kapit-tukong rehimeng US- Arroyo!

 

Reference person:

Merly Grafe

Chairperson

Solidarity of Cavite Workers

Tel. no. (046) 884-0076